
3.3 Ano ang pinakamahusay na paraan upang manalangin?
Kahit sino ay maaaring manalangin kahit saan sa anumang oras, kahit mag-isa o sa isang pangkat. Bumuo ka ng isang relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng personal na panalangin, kapag ikaw ay nag-iisa sa kanya. Hindi talaga mahalaga kung paano ka manalangin: Ang Diyos ay nalulugod na nandiyan ka.
Kapag nagdarasal ka, mahalaga na simpleng sabihin mo mula sa puso ang tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa iyo. Ito ay isang magandang ugali na maglaan ng kaunting oras para sa panalangin araw-araw. Sa gabi, maaari mo ring pagnilayan ang iyong araw sa pagdarasal at magpasalamat sa Diyos para sa lahat ng iyong natanggap mula sa kanya.
Ano ang limang pangunahing uri ng panalangin?
Ang limang pangunahing uri ng panalangin ay → pagpapala, pagsamba, pagsusumamo at pamamagitan, pasasalamat at papuri. [Youcat 483]
Ano ang panalangin ng pagpapala?
Ang panalangin ng pagpapala ay isang panalanging tinatawagang bumaba ang pagpapala ng Diyos sa atin. Tanging ang Diyos lamang ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Ang Kanyang kabutihan, ang Kanyang presensya, ang Kanyang awa - ang mga ito'y pagpapala. "Pagpalain ka ng Panginoon," ang pinakamaiksing hiling ng pagpapala.
Bawat Kristiyano ay dapat manawagan sa pagpapala ng Diyos, para sa kanyang sarili at para sa ibang tao. Maaaring mag-antanda ng krus ang mga magulang sa noo ng kanilang anak. Ang mga taong nagmamahalan ay maaaring pagpalain ang bawat isa. Bukod pa riyan, ang → pari, sa pamamagitan ng kanyang ministeryo, ay malinaw na nagbibigay ng pagbabasbas sa ngalan ni Jesus at sa atas ng Simbahan. Ang kanyang hiling sa pagpapala ay lalong nagiging epektibo sa pamamagitan ng ordinasyon at kapangyarihan ng panalangin ng buong Simbahan. [Youcat 484]
Bakit dapat nating sambahin ang Diyos?
Ang bawat taong napagtanto na siya ay nilalang ng Diyos ay mapagpakumbabang kikilalanin at sasambahin ang Makapangyarihan. Ngunit hindi lamang nakikita ng Kristiyanong pagsamba ang kagakilaan, kapangyarihan at → Kabanalan ng Diyos. Naninikluhod din siya sa harap ng banal na pag-ibig na nagkatawang-tao kay Hesukristo.
Ang sinumang tunay na sumasamba sa Diyos ay lumuluhod sa Kanyang harapan o nagpapatirapa sa lupa. Dito naipapahayag ang katotohanan ng kaugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos: Siya ay dakila at tayo ay maliit. Kasabay nito, ang tao ay hindi kailanman mas malaki kaysa sa kapag lumuhod siya sa harap ng Diyos sa malayang paghahandog. Ang di-mananampalataya, na naghahanap sa Diyos at nagsisimulang manalangin, ay mahahanap ang Diyos sa ganitong paraan. [Youcat 485]
Bakit kailangan nating humingi sa Diyos?
Alam ng Diyos na lubusang nakakakilala sa atin, kung ano ang kailangan natin. Gayunpaman, nais ng Diyos na "humingi" tayo: na sa paghihirap ng ating buhay, sa Kanya tayo bumaling, sa Kanya dumaing, magsumamo, magsumbong, manawagan, at kahit na makipagtunggali sa Kanya sa panalangin.
Totoong hindi kailangan ng Diyos ang ating mga kahilingan upang tulungan tayo. Para sa ating kapakanan na dapat tayo maging mga nananawagan. Ang sinumang hindi humihingi at ayaw humingi ay sinasarahan ang kanyang sarili. Tanging ang taong humihingi ang nagbubukas ng sarili at bumabaling sa may-akda ng lahat ng mabuti. Ang sinumang humihingi ay bumabalik pauwi sa Diyos. Kaya ang panalangin ng pagsusumamo ay naglalagay sa tao sa tamang pakikipag-ugnayan sa Diyos, na gumagalang sa ating kalayaan. [Youcat 486]
Bakit kailangan tayong humingi sa Diyos para sa ibang tao?
Kung paanong si Abraham ay nakiusap para sa mga naninirahan sa Sodom, kung paanong si Jesus ay nanalangin para sa Kanyang mga alagad, kung paanong itinaguyod ng unang Simbahan na "Huwag hanapin ng isa't-isa ang ikabubuti ng sarili lamang kundi ang ikabubuti rin ng iba" (Fil 2:4), gayun din palaging nananalangin ang mga Kristiyano para sa lahat - para sa mga taong malapit sa kanilang puso, sa mga taong malayo sa kanila at maging sa kanilang mga kaaway.
Kapag mas natututong manalangin ang isang tao, mas nararamdam niyang kasama siya sa isang espirituwal na pamilya kung saan nagiging epektibo ang kapangyarihan ng panalangin. Kasabay ng aking mga pag-aalala sa mga taong mahal ko, nakatayo ako sa gitna ng pamilya ng sangkatauhan, nakatatanggap ng kapangyarihan mula sa panalangin ng iba, at nananawagan sa tulong ng Diyos para sa iba. [Youcat 487]
Bakit dapat nating pasalamatan ang Diyos?
Lahat ng kung ano tayo at mayroon tayo ay nagmula sa Diyos. Sinabi ni San Pablo: "At anong mayroon ka na hindi mo tinanggap?" (1 Cor 4:7). Nakapagpapasaya ang pagpapasalamat sa Diyos, na tagabigay ng lahat ng kabutihan.
Ang pinakadakilang panalangin ng pasasalamat ay ang → Eukaristiya (sa Griyego, pagpapasalamat) ni Jesus, kung saan kinuha Niya ang tinapay at alak, upang dito'y ang lahat ng nilikhang binago ay maihandog Niya sa Diyos. Lahat ng pasasalamat ng mga Kristiyano ay isang pakikiisa sa dakilang panalangin ng pasasalamat ni Jesus. Dahil tayo rin ay binago at tinubos sa pamamagitan ni Jesus, kaya maaari tayong taos-pusong magpasalamat at sabihin it sa Diyos sa maraming paraan. [Youcat 488]
Ano ang ibig sabihin ng papurihan ang Diyos?
Hindi kailangan ng Diyos ang palakpakan. Ngunit kailangan natin ito upang likas na maipahayag ang ating kagalakan sa Diyos at ang kasayahan sa ating mga puso. Pinapupurihan natin ang Diyos dahil naririyan Siya at dahil Siya ay mabuti. Sa pamamagitan nito'y nakikisali na tayo sa walang hanggang papuri ng mga anghel at mga banal sa langit. [Youcat 489]
Maaari bang manalangin kahit saan?
Oo, maaaring manalangin ang tao kahit saan. Gayunpaman, laging hahanapin ng isang Katoliko ang mga lugar kung saan ang Diyos ay "naninirahan" sa isang espesyal na paraan. Higit sa lahat, ito'y ang mga Katolikong Simbahan, kung saan ang ating Panginoon ay naririyan sa → tabernakulo sa anyo ng tinapay.
Napakahalaga na manalangin tayo sa lahat ng dako: sa paaralan, sa MRT/LRT, habang nasa isang salusalo, sa pagitan ng mga kaibigan. Dapat natatagusan ang buong mundo ng → pagpapala. Ngunit mahalaga rin na bisitahin natin ang mga banal na lugar kung saan tila hinihintay tayo ng Diyos, upang tayo ay makapagpahinga kasama Niya, mapalakas Niya, mapuno at maipagala. Ang isang tunay na Kristiyano ay hindi kailanman namamasyal lamang kapag bumibisita sa isang simbahan. Siya ay nananatili sandali sa katahimikan, sinasamba ang Diyos at pinapanibago ang kanyang pakikipagkaibigan at pag-ibig para sa Kanya. [Youcat 498]
Itinuro ni Saint John Mary Vianney sa kanyang mga parokyano pangunahin sa pamamagitan ng pagsaksi sa kanyang buhay. Ito ay mula sa kanyang halimbawa natutunan nilang manalangin, na madalas na tumitigil sa harap ng tabernakulo para sa isang pagbisita kay Jesus sa Mahal na Sakramento. "Hindi kailangang magsalita ng marami upang manalangin ng mabuti" - ipinaliwanag niya sa kanila - "Alam natin na si Jesus ay naroon sa tent: buksan natin ang ating mga puso sa kanya, magalak tayo sa kanyang sagradong presensya. Iyon ang pinakamagandang panalangin”. [Pope Benedict XVI, Letter on year for priests, 16 June 2009]