
1.35 Kung ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, bakit nangyayari ang mga sakuna? Bakit may kasamaan?
Mayroong pagkakaiba sa pagitan ng kasamaan na dulot ng mga tao at iba pang masamang bagay tulad ng likas na mga sakuna. Tumanggap ang tao ng malayang kalooban mula sa Diyos, at siya ay makakapili ng mabuti o masama. Kung makikialam ang Diyos, hindi na tayo magiging malaya!
Bakit nangyayari ang mga likas na sakuna, at kung bakit hindi nakikialam ang Diyos upang itigil ang kakila-kilabot na kasamaan na ginawa ng ilang mga tao, ay nananatiling isang misteryo. Gayunpaman, hindi ito isang parusa mula sa Diyos na puno ng pag-ibig. Ang Diyos ay nahahabag sa mga nagdurusa at nagbibigay inspirasyon sa tao na tulungan ang bawat isa. Kung nakikipagtulungan tayo sa kanya, ang kasamaan ay hindi maaaring magkaroon ng huling pagpapasiya.
Kung alam ng Diyos lahat at kayang gawin lahat, bakit hindi Niya ngayon pinipigilan ang kasamaan?
“Pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan upang hayaang umusbong mula rito ang higit na kabutihan.” (Santo Tomas de Aquino)
Ang kasamaan sa mundo ay isang madilim at matinding misteryo. Kahit ang Nakapako mismo ay nagtanong sa Kanyang Ama: “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?” (Mt 27:46). Karamihan sa mga ito ay hindi maunawaan. Ngunit iisa ang siguradong alam natin: ang Diyos ay sandaang porsiyentong mabuti. Kailanman ay hindi Siya maaaring pagmulan ng anumang kasamaan. Nilikha ng Diyos na mabuti ang mundo, ngunit hindi pa ito ganap. Sa matinding mga kaguluhan at masakit na mga proseso, nagsasanay ang mga ito patungo sa huling kaganapan. Sa gayon ay mas mahusay na pagsama-samahin ang tinatawag ng Simbahan na pisikal na kasamaan, halimbawa, isang kapansanan mula pagkabata o isang natural na sakuna. Samantala, ang moral na kasamaan ay dumarating sa pamamagitan ng maling paggamit ng kalayaan sa mundo. Ang “impiyerno sa lupa” – mga batang sundalo, suicide bombings, concentration camps – ay kadalasang gawa ng mga tao. Kaya ang mapagpasyang tanong ay hindi dapat: “Paano maniniwala sa isang mabuting Diyos sa gitna ng napakaraming kasamaan?” kundi: “Paano mapagtitiisan ng tao nang may puso at pang-unawa ang buhay rito sa mundo kung wala ang Diyos?” Ipinapakita sa atin ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo na wala sa kasamaan ang una at huling salita. Mula sa pinakamasamang kasamaan ay hinayaan ng Diyos na lumitaw ang ganap na kabutihan. Naniniwala tayo na bibigyang wakas ng Diyos sa huling paghuhukom ang lahat ng kawalang katarungan. Sa buhay sa mundong darating, wala nang lugar ang kasamaan at may katapusan ang paghihirap. [Youcat 51]
Tunay na ang [Diyos] ay karapatdapat tawaging makapangyarihan sa lahat, kahit na hindi siya maaaring mamatay o mahulog sa pagkakamali. Sapagkat siya ay tinawag na makapangyarihan sa lahat sa kanyang gawa, hindi dahil sa kanyang pagdurusa na di niya ginusto. [St. Augustine, The City of God, Bk. 5, Chap. 10 (ML 41, 152)]